MANILA, Philippines - Nakatulong ka na, may pasa load ka pa!
Ito ang ginawang panghihikayat ng pamunuan ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa mga kababayan nating sasakay sa mga barko pauwi sa kanilang mga lalawigan ngayong Mahal na Araw.
Layunin nito na maging maayos at ligtas ang mga pagbibiyahe sa karagatan ng ating mga kababayan.
Ayon sa MARINA makakatulong ang publiko na ireport kaagad sa kanilang tanggapan sakaling may mapupuna na paglabag sa maritime safety, na maaaring maging sanhi ng trahedya sa dagat.
Bilang pabuya, sinumang magbibigay ng impormasyon ay makakatanggap ng pasaload na P50 , subalit iwasan umano na manloko o ang prank messages.
Nilinaw kahapon ni Marina Administrator Maria Elena Bautista na mas magkakagastos pa ang mga nagpapadala ng prank messages dahil P2.50 kada text at hindi naman awtomatiko ang pagbibigay ng pasaload o “Pasa Hero” ng kanilang tanggapan dahil ibeberipika muna ito kung totoo ang sinasaad ng impormasyon.
Sinimulan ang nasabing programa dahil napapanahon ngayon ang mga pagbiyahe sa paggunita ng Semana Santa.
Para sa mga pasaherong nais magbigay ng impormasyon.
Mag-text lamang ng AZUL sa 2985 at dapat ay i-type din ang “Marina (space) Sumbong” (space), name, slash, area, slash, ang kanilang barko na may paglabag sa maritime safety tulad ng overloading, kawalan ng sapat na life jackets, paggamit ng monobloc chairs sa halip na mga upuan na nakadikit sa sahig, pag-inom o pagkakaroon ng hindi magandang asal ng tripulante, maruming comfort rooms at kawalan ng safety demonstration bago maglayag ang barko.