MANILA, Philippines - Nagpalabas ng hold departure order (HDO) ang Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) laban sa suspek na nakabundol sa 10-taon gulang na estudyante ng Ateneo de Manila noong nakaraang Pebrero.
Nag-isyu ng kautusan si QCRTC Branch 107 Judge Rosalina Pison para kay Ma. Theresa Torres-Laqui na nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at serious physical injuries. Nakasuhan si Laqui bunsod ng pagkakasagasa nito kay Julian Carlo Miguel “Amiel” Alcantara noong Pebrero 24 na nagresulta sa maagang pagkamatay ng biktima at malubhang pagkakasugat sa kapatid nitong si Jana at yaya na si Tomasa “Tata” Suarez.
Sinabi naman ni Atty. Roland Villones, abogado ni Laqui, na hindi gagawa ng anumang hakbang ang kanilang kampo upang harangin ang mosyon ng pamilya ng biktima dahil wala umanong planong lumabas ng bansa ang suspect upang takasan ang kasong isinampa laban sa kanya.
Nakatakdang basahan ng kaso ang suspect sa May 29. Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na posibleng aksidenteng natapakan ni Laqui ang silinyador imbes na preno kung kaya rumagasa ang kanyang sasakyan at nabangga ang tatlong biktima.
Naipit si Amiel sa pagitan ng sasakyan ni Laqui at ng isang Honda CRV. (Angie dela Cruz)