2 jobless, nagbigti

MANILA, Philippines - Nagpatiwakal sa pa­ma­magitan ng pagbibigti sa sarili gamit ang panali ng kanilang aso ang isang mister makaraang mawa­lan ito ng trabaho at laya­san pa ng kanyang misis kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Ang biktimang si Nerio Barro, 51, ng Brgy. CAA, Las Piñas City ay natagpu­ang nakabitin ng kanyang kapitbahay na si Rolando Gatdula, 64, dakong alas-5:30 ng madaling-araw.

Nabatid na bago nadis­kubre ang pagbibigti ng bik­tima, una itong nagpa­ka­lango sa alak kamaka­lawa ng gabi at tulad ng na­kagawian ay muling nag­wala habang isinisigaw ang kanyang mga kamala­san sa buhay.

Inawat naman ng kan­yang mga kamag-anak si Barro at iniuwi sa kanilang bahay sa Brgy. CAA, su­balit dakong alas-10 ng gabi ay muli na naman umano itong nagsisigaw, pumalahaw pa ng iyak at sinasabing ayaw na niyang mabuhay pa.

Ayon naman kay Jeza­bele Barro, 19, anak ng bik­tima, hindi ito ang unang pagkakataon na nagtang­kang magpatiwakal ang kanyang ama mula nang mawalan ng trabaho at layasan ng kanilang ina.

Tinangka na rin uma­nong magbigti ni Barro noong nakaraang taon su­balit nakita siya ng kan­yang bayaw kung kaya’t nailigtas ito at hindi natuloy ang pagpapakamatay. Ka­hapon nga ng madaling-araw ay sadyang tinapos na ng kanyang ama ang buhay nito.

Samantala, nabubulok na ang bangkay ng isang 38-anyos na Chinese na­tional nang matagpuan itong nakabigti sa bakan­teng silid ng kanilang taha­nan, sa Tondo, Maynila, ka­hapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Engelbert Ong, ng Nico­demus St., Tondo, Maynila.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng umaga nang matuklasan ang bang­kay na nakabitin sa loob ng bakanteng kuwarto na dati umanong ‘servant’s quarter’.

Ayon umano sa ina ng biktimang si Lourdes Ong, huling nakitang buhay ang biktima noong gabi ng Sabado (Abril 4) na nilalaro ang isang jumping rope sa kanilang terrace.

Inakala lamang umano ng ina na hindi umuuwi ang anak dahil sa paghahanap ng trabaho dahil madalas umanong nakikitang de­pressed ito sa kabiguang makakuha ng panibagong trabaho.

Kahapon, alas-8 ng umaga nang makaamoy umano ng masangsang ang ina  at nang bumaba ito sa unang palapag ng ta­hanan ay doon natuklasan ang bangkay ng anak. (Rose Tamayo-Tesoro at Ludy Bermudo)

Show comments