Estudyante dedo sa baril ng kabarkada

MANILA, Philippines - Patay ang isang estud­yante makaraang tamaan ito ng bala sa leeg matapos aksidenteng pumutok ang baril ng kabarkadang pilit na ginaya ang paglalaro ng baril ng tanyag at inter­national cowboy na si “Jessie James”, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Patay na nang idating sa Pasay City General Hos­pital ang biktimang si Alvin Almerino, 19, at re­sidente ng Gamban, River­side ng nabanggit na lung­sod bunga ng pagbara ng bala ng hindi pa nababatid na kalibre ng baril sa la­lamunan nito.

Ayon kay PO3 Jeno­mar Geraldino, may hawak ng kaso, pasado alas-5 ng madaling-araw nang mang­yari ang insidente habang masayang nakiki­pag-inuman ang biktima sa suspect na kabarkada nito na si Alejandro Rosaban, alyas “Dodong”, 19.

Habang nag-iinuman, nanonood ang biktima sa mga naglalaro sa iba pang ka-barkada na sina Mark Legaspi at Jeff Sererra ng table pool sa isang com­pound sa nasabing lugar.

Masayang nagkakanti­ya­wan umano ang magka­kabarkada nang biglang binunot ni Rosaban ang kan­yang baril, pinaikut-ikot sa daliri ang hawak at nag­yabang na kaya niyang gayahin ang estilo at galing sa paghawak ng baril ng cowboy na si “Jessie James”.

Sa hindi inaasahan, big­lang pumutok ang baril na pinaglalaruan ng sus­pect at tumama sa leeg ang nanonood na biktima, dahilan upang agad na duguan itong malugmok mula sa kanyang kinau­upuan. Agad namang ku­mari­pas ng takbo ang suspect dala ang baril na naka­patay sa biktima kung saan ay pinaghahanap na ito nga­yon ng pulisya upang papanagutin sa naturang krimen. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments