Estudyante dedo sa baril ng kabarkada
MANILA, Philippines - Patay ang isang estudyante makaraang tamaan ito ng bala sa leeg matapos aksidenteng pumutok ang baril ng kabarkadang pilit na ginaya ang paglalaro ng baril ng tanyag at international cowboy na si “Jessie James”, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Patay na nang idating sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Alvin Almerino, 19, at residente ng Gamban, Riverside ng nabanggit na lungsod bunga ng pagbara ng bala ng hindi pa nababatid na kalibre ng baril sa lalamunan nito.
Ayon kay PO3 Jenomar Geraldino, may hawak ng kaso, pasado alas-5 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente habang masayang nakikipag-inuman ang biktima sa suspect na kabarkada nito na si Alejandro Rosaban, alyas “Dodong”, 19.
Habang nag-iinuman, nanonood ang biktima sa mga naglalaro sa iba pang ka-barkada na sina Mark Legaspi at Jeff Sererra ng table pool sa isang compound sa nasabing lugar.
Masayang nagkakantiyawan umano ang magkakabarkada nang biglang binunot ni Rosaban ang kanyang baril, pinaikut-ikot sa daliri ang hawak at nagyabang na kaya niyang gayahin ang estilo at galing sa paghawak ng baril ng cowboy na si “Jessie James”.
Sa hindi inaasahan, biglang pumutok ang baril na pinaglalaruan ng suspect at tumama sa leeg ang nanonood na biktima, dahilan upang agad na duguan itong malugmok mula sa kanyang kinauupuan. Agad namang kumaripas ng takbo ang suspect dala ang baril na nakapatay sa biktima kung saan ay pinaghahanap na ito ngayon ng pulisya upang papanagutin sa naturang krimen. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending