'Trigger happy' gumagala, namamaril sa Tondo
MANILA, Philippines - Hinahanting ngayon ng Manila Police District (MPD) ang dalawang lalaki na sinasabing ‘trigger happy’ na wa lang habas na namamaril habang sakay ng motorsiklo kung saan ilang katao na rin ang nagiging biktima ng mga ito sa magkakasunod na pangyayari sa Tondo, Maynila.
Masusing inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek na pinaniniwalaang gumagala at namamaril ng sinumang makursunadahan, sakay ng di naplakahang motorsiklo.
Unang nabaril sa kaliwang pisngi ang naglalakad lamang na si Lawrence Ventanilla, 30, residente ng Zaragosa St. Tondo, na umano’y nanggaling sa isang ‘pabasa’. Siya ay ginagamot sa UST Hospital kahapon ng madaling-araw.
Kasunod nito, nabaril naman sa paa at tuhod sina Brian Quinto, 20, at Julito Ellies, 19, na kapwa isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center
Sa ulat ni P/Supt. Ernesto Tendero, hepe ng MPD-Station 1, dakong alas-2 ng madaling-araw ng nagsimulang maganap ang pamamaril sa kanto ng Quezon at Capulong Sts., Tondo, Maynila
Nakasalubong umano ng naglalakad na si Ventanilla ang riding in tandem na mga suspek na nakatakip ng tuwalya ang mga mukha na walang sabi-sabing pinaputukan siya sa mukha.
Habang papatakas naman ay pinagbabaril din ng dalawang suspek sa direksiyon ng Quezon st. sina Quinto at Ellies, na wala namang alam umano kung bakit sila tinarget.
Maging ang mobile patrol car ng MPD-Station 1 na humabol sa papatakas na mga suspek ay pinaputukan din umano ng mga ito.
Agad namang iniutos ni Tendero ang paglalagay ng choke points at roving sa hurisdiksiyon ng station 1 upang masakote ang mga suspek subalit bigo ring mahuli ang mga ito.
Una nang napaulat na dalawang lalaki din na nakatakip ng tuwalya ang mukha at sakay ng isang motorsiklo ang reponsable sa pamamaril sa mga biktimang sina si Fernan Ariola, at ang kaibigan nitong si Jason Atilano, 20 sa Tondo, kamakailan.
Si Ariola ay binawian ng buhay dahil sa tama ng bala sa ulo, leeg at dibdib habang si Atilano ay kasalukuyan pang naka-confine sa Mary Jhonston Hospital.
- Latest
- Trending