MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang lalaki matapos na mabigo ang umano’y tangkang pagmasaker ng mga ito sa isang pamilya dahil lamang sa awayan sa panabong na manok, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Ricky de Castro, 24; at Dennis Olayvar, 26; kapwa residente ng Brgy. Addition Hills, Mandaluyong habang nakatakas naman ang umano’y kanilang lider na si Bok Pomeda.
Inoobserbahan naman ng mga manggagamot ng St. Martin de Porres Hospital dahil sa dalawang saksak sa dibdib ang biktimang si Fortunato Bautista, 50, ng Block 31 Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills habang nasa ligtas na kalagayan ang kanyang 27-anyos na anak na nadaplisan ng saksak sa katawan.
Naganap ang insidente dakong alas -8:45 ng gabi habang nasa loob ng bahay ang pamilya Bautista. Nakarinig umano sila ng tawag sa labas kung saan hinahanap si Fortunato at nang buksan nito ay sinalubong na agad ng dalawang saksak ng mga salarin.
Tinangka namang tumulong ng batang Bautista ngunit inundayan rin ito ng saksak kung saan masuwerteng nailagan nito sanhi upang madaplisan lamang ito.
Natigil lamang ang pagsalakay ng tatlong salarin makaraang makalabas ng bahay ang ibang miyembro ng pamilya Bautista at magsisigaw ng saklolo sa mga kapitbahay. Agad na nagsitakas ang tatlo ngunit nasakote ng mga barangay tanod sina De Castro at Olayvar.
Sa loob ng presinto, sinabi ng dalawa na isang Pomeda umano ang sumaksak sa mag-ama kung saan isinama lamang sila nito. Ito umano ang may galit sa matandang Bautista dahil sa pagtanggi nito na ipahiram ang kanyang alagang sasabunging manok. (Danilo Garcia)