MANILA, Philippines – Patay ang isang obrero makaraang pagbabarilin ng isang pulis sa isang kumprontasyon makaraang tangkaing bawiin ng biktima ang kanyang dating ka-live-in na babae na nasulot sa kanya, kamakalawa ng hapon sa Malabon City.
Tatlong tama ng bala ang tumapos sa buhay ng biktimang si Tirso Olesco, 35, ng Brgy. Catmon, ng naturang lungsod.
Sumuko naman sa Malabon City Police ang suspek na kinilalang si PO2 Nel Carias, 29, nakatalaga sa Camp Crame, Quezon City at residente ng Libis Nadurata, Caloocan City .
Sa ulat ng pulisya, naganap ng krimen dakong alas-3:15 ng hapon nang kumprontahin ng biktima ang pulis habang naglalakad ito sa may Dulong Hernandez Street kasama ang dating live-in partner na hindi na nabanggit ang pangalan.
Lango umano sa alak nang eskandaluhin ng biktima ang dalawa kung saan pilit na binabawi ang babae na dati nitong kinakasama. Dito nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa sinuntok ng biktima ang pulis na agad namang nag bunot ng baril at sunud-sunod na paputukan ang biktima.
Agad namang isinugod ng mga opisyal ng barangay ang biktima sa Tondo Medical Center ngunit hindi na ito umabot ng buhay habang isinuko ng pulis ang sarili at ang baril nitong cal. 9mm pistol na ginamit sa pamamaril. Hindi naman mahagilap ang babaeng pinag-aawayan ng dalawa makaraang umalis nang magkabarilan.
Nakadetine ngayon sa Malabon detention cell ang pulis na nahaharap sa kasong homicide sa kabila ng katwiran nito na idinipensa lamang niya ang kanyang sarili.