MANILA, Philippines - Hindi na nagawa ng isang inhinyero na makapagbakasyon kasama ang kanyang pamilya ngayong Mahal na Araw matapos na barilin sa ulo at mapatay ng isa sa dalawang salarin habang siya ay nagdidiskarga ng kanyang mga kagamitan sa kotse para umalis sa lungsod ng Quezon kamakalawa. Kinilala ang nasawi na si Benjamin Ferrer, 65, may-asawa, ng Barangay Greater Lagro Subdivision sa lungsod. Ayon sa ulat ni PO1 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may harap ng bahay ng biktima ganap na alas-5:00 ng hapon. Abala sa pag diskarga ng kanilang gamit ang biktima at pamilya nito sa kanyang puting Starex van bilang preparasyon sa kanilang pagbabakasyon sa Las Piñas nang biglang dumating ang isang pampasaherong jeepney at agad na huminto sa tapat nito. Isa sa mga sakay ng jeepney ang agad na bumaba bitbit ang isang baril at nilapitan ang biktima saka pinaputukan ito sa ulo. (Ricky Tulipat)