MANILA, Philippines - Isang mekaniko ang namatay nang pagbabarilin ng isa sa apat na kalalakihan makaraang ipagtanggol niya ang isang guest relation officer na binabastos ng mga suspek sa loob ng isang bar sa lungsod ng Quezon kahapon ng madaling araw.
Tatlong tama ng bala sa braso at dibdib ang sanhi upang agad na masawi ang biktimang si Christopher Senas, 38, may-asawa, empleyado sa isang printing press at tubong General Santos City.
Arestado naman ang dalawa sa mga suspek na sina Joden Nuñez, 28, binata, helper; at Jesse Gun-gon, 28, binata, helper; pawang mga residente sa Nadela Compound, Manalaysay St., Barangay San Roque, Navotas CIty.
Pinaghahanap pa ang ibang suspek na sina Elmer de Jesus, alyas Anit; at Jay Ramo, alyas Agi na mabilis na nakatakas makaraan ang insidente.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PO2 Jocelyn Manalo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa pangalawang palapag ng MNF KTV and Kitchenette sa lungsod ng Quezon dakong ala-1:00 ng madaling-araw.
Bago nito, nasa loob ng dressing room ng mga GROs ang biktima at nagpapahinga matapos makipag-inuman sa kanyang nobyang si Leonor Duran nang pumasok dito ang isang alyas Jen at nagrereklamo na binastos ito ng mga suspek.
Nang marinig ito ng biktima ay agad itong lumabas ng dressing room at binalaan ang mga suspek. Ngunit hindi natinag ang mga suspek at, sa halip, galit na pinalagan nito ang biktima dahilan upang magbunot ito ng kanyang kalibre .45 baril at magpaputok sa ere.
Sa kabila nito hindi pa rin natakot ang mga suspek na lalo lamang nag-alimpuyo ang galit at sabay-sabay na inatake ang biktima na noon ay inaawat ng kanyang nobya at isang alyas Nicole at nagawang makuha ang baril nito ng suspek na si Nuñez at pinagbabaril ito. (Ricky Tulipat)