MANILA, Philippines - Nakumpiska nang pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Presidential Task Force on the Securities of Energy and Facilities and Enforcement of Energy Laws and Standards (PTF-SEFEELS) ang ilang sub-standard liquefied petroleum gas (LPG) cylinders sa isang operasyon sa lalawigan ng Bulacan.
Sa kanyang ulat kay NBI Director Atty. M. Mantaring, sinabi ni Atty. Romy Bon Huy D. Lim, hepe ng NBI-Criminal Intelligence Division (CID), na ang pagsalakay ay isinagawa sa tanggapan ng LPG dealer na si Sergio R. Sarmiento na matatagpuan sa Block 41, Lot 25, Barangay Lawang Pare, San Jose del Monte City, Bulacan.
Bago ang isinagawang pagsalakay nakatanggap umano ng ulat ang NBI at PTF-SEFEELS tungkol sa illegal na operasyon ng nasabing establisyemento.
Matapos ang inspeksyon ay nadiskubre na lumabag sa Batas Pambansa Bilang 33,na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865 ang estalisyemento dahil sa paggamit ng unbranded na LPG tanks kung saan walang nakalagay na timbang, walang tamang selyo, walang serial number, walang test date at walang uncertified tanks/cyclinder at hindi awtorisadong pag-repair dito.
Ang paggamit ng mga sub-standard na tangke ng LPG ay labag sa batas dahil maaari itong pagmulan ng sunog, maliban pa sa pagiging security, health at environment hazards.
Nagsasagawa pa umano ng inventory ang mga awtoridad upang matukoy kung ilan ang eksaktong bilang ng mga LPG cylinders na kanilang nakumpiska nang isagawa ang pagsalakay noong Huwebes.
Ang PTF-SEFEELS ay binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Energy (DOE), Department of Trade and Industry (DTI) at ng Bureau of Fire Protection (BFP). (Gemma Amargo-Garcia)