Echiverri suportado ang Helmet Bill ni Revilla
MANILA, Philippines - Nagpahayag kahapon ng suporta si Caloocan City Mayor Enrico Echiverri sa Senate Bill 1863 ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na umoobliga sa mga nakasakay sa motorsiklo na magsuot ng standard quality helmet. Sinabi ni Echiverri na bukod sa pagsuporta sa SB 1863 o Mandatory Helmet Bill, pinalalakas din niya ang kampanya sa pagmumulat sa mamamayan sa ligtas na paggamit ng motorsiklo. Noon pang taong 2005 ay mahigpit na pinatutupad sa lungsod ang pagsusuot ng helmet ng mga nagmamaneho at sumasakay ng motorsiklo.
Idinagdag ng alkalde na ang panukalang-batas ni Revilla ay malaking tulong sa ligtas na paglalakbay ng publiko. Bukod pa rito, inihayag niya na may binubuo ring safety education program ang pamahalaang lungsod para sa mga motorcycle riders na alinsunod sa mga patakaran ng Traffic Management Code ng Caloocan.
- Latest
- Trending