Mayor Bernabe binatikos ng 100 pamilyang dinemolis
MANILA, Philippines - Umapela kahapon ng tulong sa pamahalaang lokal ng Parañaque City ang mahigit sa 100-pamilya na apektado sa isinasagawang demolisyon sa Brgy. San Antonio Valley 1 ng nabanggit na lungsod. Ayon sa mga apektadong mga residente na pawang kasapi ng Urban Poor of Wellington Espiritu Compound, napako na ang naunang suportang ipinangako sa kanila ni Parañaque Mayor Florencio Jun Bernabe.
Ayon pa sa mga residente, hanggang papel na lamang ang nilagdaang kautusan noon ni Bernabe na nangakong tutulungan sila na maayos ang suliranin sa titirhang lugar. Una ring inamin umano ng pamahalaang lungsod na wala pang pondo ang naturang kautusan para makabili ng lupang kanilang titirahan at unti-unting babayaran na lamang ito, subali’t hanggang sa ngayon ay wala ng nangyari at tila nakalimutan na ito ng gobyerno.
Nauwi sa matinding ten siyon at girian ang isinagawang demolisiyon sa naturang lugar nang paulanan ng bato at bote ang demolition team habang ginigiba ang mga kabahayan dakong alas-10, kamakalawa ng umaga. Bitbit ng demolition team na pinamunuan ni Sheriff Reynaldo Nepomuceno ang demolition order na inisyu ni Judge Donato de Castro ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 77. Humupa lamang ang tensiyon makaraang pumagitna ang mga rumespondeng pulis dakong alas-5 ng hapon. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending