Barangay kagawad itinumba
MANILA, Philippines - Isang kagawad sa barangay na presidente rin ng driver’s association ang napatay matapos paulanan ng bala ng baril ng dalawang hindi nakikilalang lalaki, habang nakaupo sa isang pampasaherong jeep, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Eduardo Joseph, 58, ng Brgy. 102, Zone 8, District 1, at Pangulo ng Padre Rada, Velasquez Jeepney Drivers Association Inc.
Nagtamo ito ng tama ng bala sa dibdib, braso at kanang hita. Hinihinalang 9 mm. caliber ang ginamit ng dalawang suspek na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa report ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa kanto ng Ugbo at Velasquez Sts, Tondo.
Nabatid na habang nakikipagkuwentuhan ang biktima sa harapan ng nakaparadang dyip (PTZ-829) nang biglang pagbabarilin ng sumulpot na mga suspek.
Sinisilip na motibo ang pagiging konsehal ng biktima at ang alitan ng hawak na driver’s association na kaalyado umano ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philipiines (FEJODAP) sa isang grupo na may rutang Velasquez-Divisoria na kaalyado naman ng Pasang Masda. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending