Laboratoryo ng shabu sa Quezon City sinalakay
MANILA, Philippines - Isang laboratoryo ng shabu ang sinalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang apartment unit sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PDEA Director General Dioniso Santiago, sa kanilang pagsalakay sa Unit 1003 BGISIS Mansion on N.S. Amoranto Avenue ay nasamsam nila ang mga shabu paraphernalia at equipment na pangunahing sangkap sa paggawa ng iligal na droga.
Sa ulat, ganap na alas- 6:30 ng gabi nang lusubin ng tropa ng PDEA at Ma nila Police District sa pangunguna ni Supt. Nelson Yabut ang nasabing unit.
Ayon kay Yabut, halos isang linggo nilang sinurveillance ang nasabing lugar matapos makumpirma na kabilang ito sa pinaglalagakan ng mga kemikal sa paggawa ng droga.
Magkagayunman, bigo naman ang mga awtoridad na madakip ang sinasabing may-ari ng nasabing unit na natukoy sa pangalang Peter Chiu, na umano’y nakitang umalis sa lugar kasama ang kanyang kinakasama na nakilalang si Mylene Donato noong pang Marso 16.
Natukoy ang nasabing lugar matapos na “ikanta” ng isang Victor Chiu ang sinasabing master chemist na naaresto sa Manila noong Marso 4. Bukod pa ito sa iba pang lugar na nauna nang sinalakay ng nasabing awtoridad.
Samantala, dismayado naman si Yabut sa pagkawala ni Chiu na ayon sa kanyang impormasyon ay huling nakitang iniiskortan ng ilang pulis mula sa Quezon City Police-Station 1 na pinamumunuan ni Supt. Norberto Babagay sakay ng isang mobile patrol car.
Kaugnay nito, agad na sinibak kahapon sa tungkulin ng pamunuan ng Central Police District (CPD) si Babagay kung saan pansamantala itong pinalitan ni Supt. Teofilo Javier.
- Latest
- Trending