Yaya dinukot, ginahasa ng 3

MANILA, Philippines - Isang 17-anyos na yaya ang iniulat na dinukot at halinhinang ginahasa ng tatlong kalalakihan kama­ka­lawa ng umaga sa Pan­dacan, Maynila.

Sa imbestigasyon ng MPD-Women  and Child­ren Concerned Division (WCCD) sa biktimang itinago sa pangalang ‘Leila’, namamasukan sa isang pamilya sa West Zamora, Pandacan, May­nila, 3 lalaki kabilang ang kasabwat umanong taxi driver ang dumukot sa kanya dakong alas-10:30 ng umaga, habang papa­sok siya sa isang drugstore upang bumili ng gamot.

Dahil dito, nagbabala ang pulisya laban sa posib­leng pag-atake muli ng mga suspek, bagamat hindi naman kumpleto ang deskripsiyon ng mga ito.

Inilarawan ang isa sa mga suspect na nasa 30-35 ang edad, nakasuot ng puting t-shirt, habang ang isa umano ay naka-long sleeve na puti at ang isa ay hindi umano matan­daan ng biktima ang hitsura.

Sinabi ng biktima na pa­tungo siya sa talipapa upang mamalengke subalit inuna niya ang pagbili ng gamot ng kanyang amo nang biglang may huma­wak sa kaniya na lalaki at kinaladkad umano siya patungo sa isang nakapa­radang taxi.

Habang nasa loob umano siya ng taxi ay naroon ang isa pang lalaki na may hawak ng ba­lisong, bukod sa driver at inutusan umano siyang humiga sa hita ng mga ito saka pinasibad ang sa­sakyan. Dinala umano ang biktima sa isang maliit na kuwarto sa harapan ng isang basketball court at doon halinhinang pinagsa­mantalahan ng tatlong suspek.

Nang makaraos uma­no ay isinakay siyang muli sa taxi at ibinaba sa Taft Avenue malapit sa UN Avenue.

Nagising na lamang umano ang diwa ng bik­tima na sakay na siya ng bus pauwi sa kanilang la­lawigan sa Pampanga at nagsumbong  sa mga magulang.

Hindi pa lumalabas ang resulta ng isinagawang medico legal examination sa sinasabing pangga­gahasa sa biktima. (Ludy Bermudo)

Show comments