Yaya dinukot, ginahasa ng 3
MANILA, Philippines - Isang 17-anyos na yaya ang iniulat na dinukot at halinhinang ginahasa ng tatlong kalalakihan kamakalawa ng umaga sa Pandacan, Maynila.
Sa imbestigasyon ng MPD-Women and Children Concerned Division (WCCD) sa biktimang itinago sa pangalang ‘Leila’, namamasukan sa isang pamilya sa West Zamora, Pandacan, Maynila, 3 lalaki kabilang ang kasabwat umanong taxi driver ang dumukot sa kanya dakong alas-10:30 ng umaga, habang papasok siya sa isang drugstore upang bumili ng gamot.
Dahil dito, nagbabala ang pulisya laban sa posibleng pag-atake muli ng mga suspek, bagamat hindi naman kumpleto ang deskripsiyon ng mga ito.
Inilarawan ang isa sa mga suspect na nasa 30-35 ang edad, nakasuot ng puting t-shirt, habang ang isa umano ay naka-long sleeve na puti at ang isa ay hindi umano matandaan ng biktima ang hitsura.
Sinabi ng biktima na patungo siya sa talipapa upang mamalengke subalit inuna niya ang pagbili ng gamot ng kanyang amo nang biglang may humawak sa kaniya na lalaki at kinaladkad umano siya patungo sa isang nakaparadang taxi.
Habang nasa loob umano siya ng taxi ay naroon ang isa pang lalaki na may hawak ng balisong, bukod sa driver at inutusan umano siyang humiga sa hita ng mga ito saka pinasibad ang sasakyan. Dinala umano ang biktima sa isang maliit na kuwarto sa harapan ng isang basketball court at doon halinhinang pinagsamantalahan ng tatlong suspek.
Nang makaraos umano ay isinakay siyang muli sa taxi at ibinaba sa Taft Avenue malapit sa UN Avenue.
Nagising na lamang umano ang diwa ng biktima na sakay na siya ng bus pauwi sa kanilang lalawigan sa Pampanga at nagsumbong sa mga magulang.
Hindi pa lumalabas ang resulta ng isinagawang medico legal examination sa sinasabing panggagahasa sa biktima. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending