MANILA, Philippines - Kasong administratibo ang iniharap ng isang environmental group sa tanggapan ng Ombudsman laban sa 20 konsehal ng Maynila na nag-amyenda sa isang ordinansa sa lunsod para mapalawig pa ang pananatili ng oil depot ng mga dambuhalang kompanya ng langis sa Maynila.
Ganap na alas-9:30 ng umaga kahapon isinampa ang kaso ng mga opisyal at miyembro ng Advocates for Environmental and Social Justice na pinamumunuan ni Atty. Valdimir Alarique Cabigao.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Manila Councilors Arlene W. Koa, Ernesto M. Dionisio, Erick Ian O. Nieva, Moises T. Lim, Jesus M. Fajardo, Rolando M. Valeriano, Carlo V. Lopez, Ernesto C. Isip Jr., John Martin C. Nieto, Edward V.P. Maceda gayundin sina Victoriano A. Melendez, Maria Sheilah H. Lacuna-Pangan, Louisito N. Chua, Josefina M. Siscar, Raymund R. Yupangco, Roderick D. Valbuena, Luciano M. Veloso, Danilo Victor Lacuna Jr., Salvador Philip H. Lacuna at John Russel Benedict M. Ibay.
Sa walong pahinang reklamo, sinabi ni Cabigao na nalabag ng mga naturang konsehal sa kanilang oath of office at kinasuhan ng conduct prejudicial to public interest.
Sinabi pa ni Cabigao sa isang panayam na pinag -aaralan na rin nilang kasuhan ng criminal ang mga nabanggit na opisyal ng Maynila dahil sa ginawang paglabag sa batas.
“Tingin ko may gumugulong na pera dyan kaya nagkaroon ng panibagong usapin, but I am not pinpointing anyone of them na maaaring nakatanggap,” pahayag ni Cabigao. (Angie dela Cruz)