Lenten alert itinaas ng NCRPO
MANILA, Philippines - Tatlong libong pulis ang nakatakdang ipakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kasabay sa pagtataas sa full alert status upang tiyakin ang seguridad kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng Semana Santa.
Ayon kay outgoing NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil, inatasan na niya ang lahat ng Metro Police Directors, Chief of Police at Operational Support Unit Commanders ng NCRPO para palakasin pa ang police visibility upang matiyak na magiging payapa at ligtas na pagdiriwang ng Semana Santa.
Si Bataoil ay papalitan ngayong araw (Abril 1) bilang NCRPO Chief ni outgoing Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Roberto “Boy” Rosales.
Nilinaw naman ni Bataoil na hindi kabilang ang elite forces ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at iba pang special units na kanilang ipakakalat.
Inihayag ni Bataoil na dahilan idineklara ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang araw ng Lunes (Abril 6 ) bilang special holiday ay inaasahan ang exodus o pagdagsa ng mga bakasyunista na magtutungo sa mga probinsya.
Partikular na aasistehan ng NCRPO operatives ay ang mga motorista at commuters na magtutungo sa mga simbahan at iba pang mga pook dasalan sa Metro Manila gayundin ang mga magtutungo sa mga lala wigan para doon magpalipas ng Lenten Season.
Sinabi ni Bataoil na posibleng magsamantala ang mga elementong kriminal sa pagsasagawa ng kanilang illegal na aktibidades kaya’t mas mabuti na ang nakaalerto sa lahat ng oras.
Sa mga kaso naman ng emergency, pinaalalahanan ni Bataoil ang publiko na agad mag-report sa PNP Patrol 117 hotline o TXT PNP 2920 para mabilis itong matugunan ng NCRPO Regional Tactical Operations Center (RTOC) hotline sa numerong 8383203/838-3354 at Regional Complaints and Assistance Center na makokontak naman sa teleponong 8383189.
- Latest
- Trending