MANILA, Philippines - Sinuportahan ng Manila’s Finest Retirees Association ang pagkakapili ni Manila Mayor Alfredo Lim kay Manila Police District Deputy Director Sr. Supt. Leo Mendoza Kison bilang kapalit ng kasalukuyang Director na si C/Supt. Roberto Rosales.
Si Rosales ang magiging kapalit ni NCRPO Director C/Supt. Leopoldo Bataoil dahil ito ay ililipat na sa Camp Crame.
Ayon kay MFRA President ret.Col. Felicisimo Lazaro, personal na inindorso ni Lim si Kison dahil malaki ang tiwala nito dito bunsod ng apat na taong serbisyo sa MPD.
“Suportado namin ang gusto ni Mayor Lim na si Col. Kison ang dapat na maupo bilang director sa MPD. Mahusay naman at magaling pang makisama itong si Kison kaya marapat lamang na siya ang i-indorso bilang panibagong hepe ng Manila’s Finest,” dagdag pa ni Lazaro.
Dadaluhan ni Lim at ng 3,000 miyembro ng MPD ang nakatakdang turn-over ceremony dito. (Ludy Bermudo)