Hipag hinipuan ni bayaw sa puwet
MANILA, Philippines - Hindi na hinintay pa ng isang 38-anyos na ginang na mauwi sa mas malalang sitwasyon kaya agad niyang ipinadakip ang kaniyang bayaw na nambastos at humipo sa kaniyang puwet at iba pang bahagi ng katawan sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Hawak ngayon ng Manila Police District-Women and Children Concern Division ang suspek na si Armando Coloma, 37, binata, walang trabaho, na inireklamo ng hipag niyang si Nimfa Bolanos, may-asawa at kapwa residente ng #1038 Valdez St., Sampaloc.
Kumakanta sa videoke sa loob ng bahay ang ginang nang dumating ang lasing na suspek at hinawakan ang kamay ng hipag.
Sa pagpalag ng ginang ay hinagod pa ng suspek ang kaniyang likod pataas mula sa beywang kaya sinigawan ang suspek na binalewala ng huli hanggang sa dakmain pa ang puwet ng hipag.
Sa galit ng ginang ay sinampal nito ang suspek at inireklamo sa awtoridad. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending