MANILA, Philippines - Inaresto ng pulisya ang isang nagpakilalang staff ni Sen. Juan Ponce Enrile matapos sampalin at batukan pa nito ang dalawang pulis na aaresto sana sa kanya matapos siyang mahuli sa aktong nagtotong-its sa gilid ng kalsada kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Alex Dacoco, 52-anyos, ng Dizon St., Tinejeros ng nabanggit na lungsod.
Sa pahayag nina PO1 Emerson Pedrasta at PO1 Marcelino Bonit, kapwa ng Malabon City Police, isang hindi pa nakikilang babae ang kanilang nakita na nagpapataya ng iligal na sugal “loteng” sa na sabing lugar.
Bago malapitan ng dalawang pulis ang babae ay nagtatakbo ito na naging dahilan upang habulin subalit nadaanan ng mga una si Dacoco na nagtotong-its din sa kalsada.
Nilapitan ng dalawang pulis si Dacoco habang nakatakbo naman ang mga katong-its nito kung saan nang aarestuhin ang suspek ay humingi ito ng warrant of arrest sa mga una.
Nagpaliwanag ang mga pulis na kahit walang warrant of arrest ay naaktuhan naman nila si Dacoco na nag-totong-its.
Sa kabila umano ng paliwanag ng dalawang pulis, nagalit ang suspek at agad itong nagpakilalang staff ni Enrile sabay sampal at batok sa mga una.
Dahil dito, walang salitang binitbit ng dalawang pulis si Dacoco at dinala sa presinto.