MANILA, Philippines - Agaw-buhay sa ospital habang isinusulat ito ang isang anak na tinadtad ng saksak ng kanyang ina dahil sa kawalan umano niya ng trabaho at pagiging pabigat sa buhay ng huli sa Aeroville, NAIA Road, Pasay City kamakalawa ng hatinggabi.
Inoobserbahan sa intensive care unit ng Pasay General Hospital bunga ng mga saksak sa katawan ang biktima na si Armando Hayocan, 29, residente ng Apollo St., Aeroville.
Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat na unang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang kanyang ina na kinilala sa pangalang Esla, 52-anyos.
Dahil sa krisis na dinaranas bunga ng kawalan ng mapagkukunan ng pang-araw-araw na pangangailangan, iminungkahi ni Esla kay Armando na maghanap ng trabaho para matustusan ang gastusin sa kanilang bahay.
Ang mungkahi ng ina ay dinamdam umano ng biktima at nauwi sa palitan ng maaanghang na salita ng mag-ina.
Dahil dito, nagdilim umano ang paningin ng ina at nadampot nito ang isang patalim sa kusina at pinagsa saksak ang anak. (Rose Tamayo-Tesoro)