MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang suspek ang isang puto vendor, habang kritikal naman ang kondisyon ng kaibigan nito kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Fernan Ariola, 23, ng Perla St., Tondo sanhi ng tama ng bala sa ulo, leeg, at dibdib nito habang nasa kritikal na kondisyon naman ang kaibigan nitong si Jason Atilano, 20. Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan sa dalawang nagsitakas na suspek sakay ng isang motorsiklo na kapwa armado ng baril.
Sa isinagawang pagsisiyasat dakong alas-5:10 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Quezon at Chesa Sts., sa Tondo. Bago maganap ang insidente nasa kasarapan ng inuman ang dalawang biktima at kapatid ni Ariola na si Francis nang maubusan sila ng alak.
Napagkasunduan umano ng dalawang biktima na bumili ng maiinom na alak sa malapit na tindahan samantalang si Francis ay nagpaiwan sa lugar na kanilang pinag-iinuman.
Hindi pa nakakalayo ang dalawang biktima nang dumating ang dalawang suspek lulan ng kanilang motorsiklo at walang tigil umano ang mga ito na binubusinahan ang mga biktima.
Nagulat na lamang umano si Francis nang makitang pinauulanan na ng bala ng mga suspek ang mga biktima bago mabilis na nagsitakas. Naniniwala ang mga awtoridad na dati nang kaalitan ng mga biktima ang mga suspek kaya’t niresbakan nila ang mga ito. Gemma Amargo-Garcia