MANILA, Philippines - Inalerto na kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Leopoldo Bataoil ang buong puwersa ng pulisya sa pagpapatupad ng isang oras na blackout sa buong Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa kaugnay sa pag-oobserba sa Earth Hour 2009 sa buong mundo ngayong araw na naglalayong labanan ang ‘global warming’. Sinabi ni Bataoil, na ang hakbang ay upang matiyak na hindi makakapagsamantala ang mga elementong kriminal para magsagawa ng illegal na aktibidades habang inoobserbahan sa Metro Manila ang Earth Hour. Ang Earth Hour ay isasagawa sa ganap na alas 8:30 ng gabi hanggang alas-9:30 ng gabi kung saan makakaranas ang bansa ng isang oras na blackout. Ayon kay Bataoil, binigyan na niya ng direktiba ang lahat ng mga district directors, chiefs of police, station commanders at lahat ng mga unit heads na mag-deploy ng karagdagang police personnels sa Metro Manila habang inoobserbahan ang Earth Hour. Partikular na mahigpit na babantayan ay ang mga crime prone areas at mga commercial centers. (Joy Cantos)