MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Leopoldo Bataoil ang malawakang crackdown laban sa pamamayagpag ng illegal na droga sa buong Metro Manila. Ang direktiba ay ipinalabas ni Bataoil kasunod ng serye ng pagkakalansag sa limang laboratory ng shabu at pagkakaaresto sa mga Chinese drug traffickers sa loob lamang ng isang linggong drug bust operation.
Kasabay nito, muli ring binalaan ni Bataoil ang mga commanders ng pulisya sa Metro Manila na tatamaan ng one strike policy sa sandaling mabigong sugpuin ang illegal na droga sa kanilang nasasakupan. Inatasan ni Bataoil ang lahat ng mga District Police Directors at Chiefs of Police sa Metro Manila na pag-ibayuhin pa ang kampanya laban sa illegal na droga partikular na sa mga shabu dens at tiangge sa hurisdiksyon ng mga ito.
Ayon kay Bataoil, nagpalabas rin siya ng direktiba na dagdagan pa ang ipinakalat na mga intelligence operatives upang magsagawa ng intelligence operations sa mga pinaghihinalaang dayuhang drug manufacturers at suppliers, gayundin ang mga pushers, traffickers at operators ng mga drug dens. Ipinag-utos rin ng heneral sa kaniyang mga commanders na kastiguhin ang mga tiwaling pulis at iba pang mga miyembro ng mga ahensyang tagapagpatupad ng batas na mapapatunayang sangkot at protektor ng illegal na operasyon ng droga.
Ipinaalala rin ni Bataoil sa mga commanders ng NCRPO ang one strike policy kapag nakalusot sa mga ito ang operasyon ng illegal na laboratoryo ng droga, drug den o distribution center, shabu tiangge o mga bodega ng illegal na droga sa kanilang nasasakupan lalo na at ibang unit ang nakapagsagawa ng raid o nakatuklas nito. (Joy Cantos)