Pag-aalaga ng mga hayop sa tenement, ibinawal ng MMDA
MANILA, Philippines - Mahigpit na ipinagbabawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga naninirahan sa tenement build ing sa Vitas, Tondo na mag-alaga ng anumang uri ng hayop, pagsasampay sa harap ng gusali bilang bahagi ng gagawin nilang paglilinis sa lugar na kabilang sa tinaguriang “investors route”. Ang pagpapatupad sa naturang kautusan ay iniatang ni MMDA chairman Bayani Fernando sa mga opisyal ng barangay at ipinaliwanag na nakasaad ito sa panuntunan ng National Housing Authority (NHA) na ahensiyang namamahala sa mga low-cost housing tulad ng itinayong tenement sa Vitas.
Mariin namang sinuportahan ng mga barangay officials ang naturang programa ni Fernando sa paniwalang sila rin naman ang makikinabang dito lalo na sa pagpapaganda at pagsasaayos ng kanilang gusali upang maging isang modelong condominium.
Nabatid na handang tustusan ng MMDA ang pagkukumpuni, rehabilitasyon at pagpipinta sa nabubulok ng tenement building sa Vitas sa tulong na rin ng mga residente at mga opisyal ng mga barangay sa lugar. Bilang pinuno ng binuong Metro Manila Inter-Agency Committee (MMIAC) on Informal Settlers, pinagtuunan rin ng pansin ni Fernando ang pagpapaayos at pagpapaganda ng Vitas sa pamamagitan ng puspusang paglilinis sa 27-medium rise tenements na may kabuuang 1,664 units na ang kwarto ay may sukat na 18-metro kuwadrado.
Naniniwala si Fernando na magtatagumpay lamang ang programa kung susunod sa mga umiiral na panuntunan at kautusan ang lahat ng mga naninirahan, kabilang ang hindi na pag-aalaga ng aso at pusa, pati ang pagtatanim ng halaman sa paso. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending