MANILA, Philippines - Isang 6-anyos na batang babae ang nasawi matapos magulungan nang kumalas na gulong sa isang trailer truck sa Malabon City kamakalawa ng gabi. Dead on arrival sa Manila Central University Hospital sanhi ng pinsala sa ulo at katawan si Roselyn Reyes, ng Guyabano St., Brgy. Potrero ng lungsod na ito. Nakakulong naman si Rizalde Hernandez, 34 ng San Ildenfonso, Bulacan at driver ng trailer truck (XG-835). Batay sa ulat, alas-9:45 ng gabi, naglalakad ang biktima kasama ang tatlong kaanak sa kahabaan ng Gov. Pascual St., Barangay Potrero habang dumadaan ang trailer truck na mimaneho ni Hernandez na biglang kumalas ang kaliwang hulihang gulong nito. Natumbok ang biktima ng gulong na naging dahilan ng pagkamatay nito habang bahagyang nasugatan ang mga kaanak nito. Agad na dinala ang biktima sa nabanggit na pagamutan habang dinakip naman ng mga pulis si Hernandez. (Lordeth Bonilla)