8-anyos natusta sa sunog

MANILA, Philippines - Natusta ang isang 8-anyos na bata sa sunog na naganap kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City na tumupok rin sa may 50 kabahayan dito.

Hindi na halos makilala ang biktima na si   Jodie G. Multo   dahil sa labis na pagka-tusta nang marekober sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Bautista St., Bayanihan Village, nabanggit na lungsod.

Ayon sa report, dakong alas-12:21 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa nabanggit na lugar. Ang apoy ay mabilis na kumalat sa magkakatabing kabahayan kung saan lima pa katao ang iniulat na nasugatan sa naturang insidente.

Dahil naman sa may kasikipan ang lugar, nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy na tumagal pa hang­gang alas-4 ng madaling-araw bago tuluyang naapula.           

Tinataya namang aabot sa P5 milyon halaga ng ari-arian ang napinsala sa naturang sunog na hinihinalang nagsi­mula sa isang kandila matapos mawalan ng suplay ng kuryente ang lugar. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments