MANILA, Philippines - Patay ang isang binatilyo matapos pagbabarilin ng isang kagawad ng pulisya makaraang magwala ang una sa loob ng kulungan ng Pasig City Police at manaksak na nagresulta sa pagkakasugat ng walo pa katao kabilang ang isang pulis dito bago mag-hatinggabi kamakalawa.
Kinilala ni Senior Supt. Ramon de Jesus, hepe ng Pasig Police ang nasawi na si Jonathan Tiplado, ng Buli Creek, Brgy. San Miguel sa lungsod. Siya ay nabaril ni SPO1 Rogelio Baltazar, imbestigador ng Criminal Investigation Branch (CIB) ng Pasig City Police.
Sugatan naman sa pagwawala ng suspect sina SPO2 Rodolfo Salamanca, desk officer; Jayson Imperial, 17, Niño Solomon, Von Rommel Obiz; Jhon Keith Jimenez, pawang mga menor-de-edad na preso; Benjamin Perez, security forces; Alexander Burata; Joseph Brenquillo, 22.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-11:45 ng gabi sa loob mismo ng CIB ng Pasig City Police na matatagpuan sa Pariancillo Park sa lungsod.
Nauna rito, itinurn-over si Tiplado ng tropa ng Batas Ciudad Enforcement Office (BCEO) sa pulisya matapos arestuhin dahil sa pananaksak kay Brenquillo ng Cainta Rizal na nangyari sa may Bulik Creek, Brgy. San Miguel.
Ayon sa ulat, walang kamalay-malay ang awtoridad na may nakatago pa palang patalim sa brief ng suspek kung kaya habang kinakapkapan ito ng kapwa menor-de-edad na preso ay biglang hinugot ng suspect ang patalim nito saka nagsimulang maghuramentado bago inatake ng saksak ang mga huli.
Nang makita ito ni Salamanca ay agad na sumaklolo at tinangkang awatin ang suspek ngunit maging ito ay inundayan din ng saksak ng binatilyo, saka mabilis na tumakbo palabas ng presinto.
Kahit sugatan, hinabol pa ni Salamanca at Baltazar kasama ang grupo ng BCEO ang suspek, at pagsapit sa Brgy. Sta. Cruz ay nagsisigaw ng tulong ang mga una na nagbigay atensyon kay Perez at tinangka ring harangin ang huli ngunit maging ito ay sinaksak din sa katawan ng huli. Nang papalapit na si Baltazar sa suspek ay hinikayat nito ang huli na sumuko, ngunit sa halip na tumugon ay mabangis na hinarap pa siya nito at inatake ng saksak. Agad namang naka-iwas si Baltazar at mapilitang barilin ang suspek.
Ayon kay Baltazar, sa unang bala na tumama sa suspek ay bumuwal ito, ngunit ilang segundo ay muli na naman itong tumayo at akmang susugurin siya kung kaya wala siyang nagawa kung hindi muli niya itong paputukan ng ilang beses sa katawan na ikinamatay nito.