MANILA, Philippines - Halos hindi na makilala ang lasug-lasog na mukha at katawan ng isang walong taong gulang na batang lalaki matapos masagasaan ng isang rumaragasang tren sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Marjo Velasquez, grade 2 pupil, ng #759 Int. 51 Raxabago st., Tondo.
Sinasabi sa ulat ni SPO4 Mario Jorge ng Manila Traffic Bureau na dakong alas-6:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa riles ng tren na nasa bahagi ng Yuseco at Dagupan Streets sa Tondo.
Naglalaro lamang sa tabi ng riles ang bata nang madulas ang kaliwang paa patungo sa isang nakatiwangwang na hukay.
Nahihirapang makalabas sa hukay ang bata kaya, nang dumaan ang isang rumaragasang tren patungong timog, nasagsaaan ang murang katawan ng biktima na nagmistulang giniling na laman.
Ayon sa mga residenteng nakasaksi, umaga pa lamang ay naglalaro na ang bata sa tabi ng riles at nakita na rin nilang sumasabit o umaangkas sa mga humihintong tren.
Gayunman, iniimbestigahan pa ang insidente upang matukoy kung may pananagutan din ang gumawa ng hukay na kinahulugan ng bata. Nabatid na wala itong takip o babala man lamang ang nagpagawa nito.