MANILA, Philippines - Kinasuhan ng indirect contempt sa Korte Suprema ang 20 konsehal ng Maynila dahil sa pagpapatibay nila sa ordinansang magpapanatili sa oil depot sa Pandacan sa naturang lunsod.
Sa apat na pahinang mosyon ng Social Justice System, kinuwestiyon nito ang agarang pag-apruba sa resolusyon ni Councilor Arlene Koa samantalang noong Marso 5 lamang ito inihain at lumusot kamakalawa matapos ang halos limang oras na deliberasyon.
Ayon kay Atty. Vlademir Cabigao, residente ng Pandacan, Maynila at abogado ng SJS, may naganap umanong pag-abuso sa panig ng mga konsehal nang palusutin nila ang ordinansa kahit meron nang desisyon ang Mataas na Hukuman na nagpapahinto sa operasyon ng oil depot sa lunsod. (Doris Franche)