3 Chinese tiklo sa P200-milyong shabu
MANILA, Philippines - Dalawang chemist at isang operator na pawang mga Chinese national ang nadakip makaraang salakayin ng mga awto ridad ang isang shabu laboratory sa San Rafael, Balut, Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.
Nasamsam sa gawaan ng shabu ang P200 milyong halaga ng metamphetamine hydrochloride na mas kilala bilang shabu, finished product o powder form, liquid shabu o unfinished product, lutuan, mga sangkap at iba pang kagamitan sa paggawa ng naturang droga.
Kabilang sa mga sumalakay sa shabu laboratory na nasa H. Lopez Blvd. sa San Rafael ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency, at Manila Police District.
Iniharap kahapon sa isang pulong balitaan ang mga suspek na sina Wu Tzu Chuan, isang Taiwanese national; Chein Juin Yang, mula sa mainland China; at Lito Ang, okupante ng buong ikatlong palapag sa isang gusali sa naturang lugar na ginawang pagawaan ng shabu.
Nadakip ang tatlo batay sa impormasyong ibinigay sa NBI ng Ministry of Justice and Investigation Bureau ng pamahalaan ng Taiwan.
Patuloy pa sa imbestigasyon ang NBI upang alamin ang nasa likod o protector ng grupo at kung paano sila nakapagpasok sa bansa ng mga iligal na sangkap ng shabu.
- Latest
- Trending