MANILA, Philippines - Tuluyan nang lumusot sa City Council ng Maynila ang amended ordinance na inihain ni Manila First District Councilor Arlene Koa kung saan, pinapayagan nito ang pananatili ng mga oill depot sa Pandacan, Maynila.
Inabot ng halos limang oras ang naging deliberasyon at tensiyon sa usapin sa pagpasa nito hanggang sa magbotohan kung saan 20 konsehal ang pumabor dito, 11 naman ang tutol habang nag-abstain naman si 6th District councilor at Pro tempore Ernesto Rivera.
Matapos ang botohan ay binigyan ng pagkakataon ni Manila Vice Mayor at Presiding Officer Isko Moreno, ang ilan sa mga tutol na sina Lourdes Isip-Garcia.
Ipinaliwanag ni Isip na ang kanyang pagtutol sa pananatili ng Big 3 oil depots at Phimco ay maaaring magdulot ng pagkamatay ng mga residente at maging ng mga empleyado dito.
Aniya, hindi naman umano dapat na manatili ang mga hazardous facilities sa Maynila dahil mas mahalaga ang buhay. Inihalintulad din niya ang Ilog Pasig na namatay dahil na rin sa iba’t ibang uri ng polusyon.
Ayon naman kay 3rd District Councilor at Minority Floor Leader Manuel Zarcal, ang desisyon tungkol sa pagpapa-alis ng oil depot ay “final and executory” kung kaya’t hindi na dapat pang amyendahan.” Aanhin mo ang trabaho kung ang trabaho mo ang papatay sa iyo”, ani Zarcal.
Gayunman, sinabi naman ni 4th District councilor at Majority Floor Leader Honey Lacuna-Pangan na ang kahirapan sa buhay ang isa sa kanyang nakitang rason upang bigyan daan ang pananatili ng mga industriyang tulad ng oil depot at ng Phimco.
Inaasahan naman na muling magkakaroon ng mga pagkondena ukol dito, lalo na ang mga Manilenyo na naninirahan malapit sa mapanganib na oil depot. (Doris Franche)