4 anak-mayaman nag-trip, nangholdap, arestado
MANILA, Philippines - Agad nagtapos ang pag-aktong “hoodlum” ng apat na kabataan na sinasabing mga anak-mayaman makaraang madakip ng mga awtoridad matapos na holdapin ang isang taxi driver, kahapon ng madaling-araw sa Diliman, Quezon City.
Kinilala ni PO1 Arturo Infante, ng Quezon City Police District-Station 9 ang mga nadakip na suspek na sina Datu Jibreel Sinsuat, 18, ng Tierra Pura, Tandang Sora; Mark Lauren Dagatan, 18, ng Cainta, Rizal; Michael Vincent Dy, 24; at 17-anyos na itinago sa pangalang Rick, kapwa residente ng Loyola Heights, ng naturang lungsod. Sinasabing mga estudyante umano ng isang ekslusibong paaralan ang apat na kabataan.
Ang mga ito ang itinuturong nangholdap sa taxi driver na si Jose Maligsa, 37, ng Sto. Cristo, San Jose del Monte, Bulacan kung saan natangay umano ang cellphone at P3,000 kinita nito.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, pinara ng mga kabataan ang taxi (PXT-920) ni Maligsa dakong ala-1:30 ng madaling araw sa may Xavierville Avenue at nagpahatid sa University of the Philippines campus sa may Diliman.
Nang makarating sa madilim na bahagi ng campus, nagdeklara ng holdap ang mga suspek matapos na tutukan ng patalim ang biktima. Nang makababa ng taxi ang apat, nagsisigaw naman ng saklolo si Maligsa kung saan nakuha ang atensyon ng mga security guard ng UP na siyang nakasakote sa mga salarin.
Itinanggi naman ng mga estudyante ang akusasyon ni Maligsa kung saan sinabi ng mga ito na nakatambay at nagkakasayahan lamang sila sa loob ng campus. Jeep umano ang kanilang sinakyan at hindi isang taxi. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending