Binata niratrat, kritikal

MANILA, Philippines - Agaw-buhay na itinakbo sa pagamutan ang isang 19-anyos na binata makaraang paulanan ito ng bala ng isang armadong lalaki, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Habang isinusulat ang balitang ito, si Onie Alcasid, 19, residente ng   Amarillo St., Maricaban, ng nabanggit na lungsod ay inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng Pasay City General Hospital bunga ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-2 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente habang si Alcasid ay naglalakad para bumili ng bigas sa kalapit na tindahan sa PAL Gate-3, Maricaban, Pasay City.

Ayon sa mga nakasaksi, isang armadong lalaki na nakasuot ng uniporme ng barangay tanod ang lumapit sa likuran ng biktima at bigla itong pinagbabaril bago tuluyang tumakas ang una. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments