Double-dead na litson, kalat sa Muntinlupa
MANILA, Philippines - Talamak umano ngayon ang bentahan ng mga “double dead” na litsong baboy sa Muntinlupa City.
Dahil dito, inatasan ni Mayor Aldrin San Pedro ang veterinary office ng lungsod upang alamin ang naturang impormasyon na aniya ay hindi maaaring ipagwalang-bahala dahil nakataya dito ang kalusugan ng mamamayan ng Muntinlupa na makakain ng “double dead” na karne ng litsong baboy.
Agad naman tumalima ang mga tauhan ng veterinary office ng nasabing lungsod at inisa-isa ang mga nagtitinda ng litson sa nasabing lungsod.
Binigyan-linaw naman ni Omar Acosta, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City na hindi naman sa kabuuan ng nasabing lung sod ang sinasabing nagbebenta ng double dead na litson kundi may ilang mga tindahan lamang umano ang nagbebenta ng ganitong uri ng karne.
Gayunman, upang ganap na makatiyak para sa kalusugan ng publiko, mahigpit na binigyang-direktiba ni San Pedro ang kanyang mga tauhan na mag-inspection sa iba’t ibang pamilihan at tiyaking hindi makalulusot ang pagbebenta at pagpapakalat ng double dead na litson sa lungsod. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending