MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa dalawang milyong piso ang nalimas ng kilabot na acetylene gang sa isang sanglaan na kanilang nilooban, kamakalawa sa Quezon City.
Nanlulumo na nagreklamo sa tanggapan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang may-ari ng Good deal Pawnshop na si Angelito Gutierrez, 50, ng Villa Orion, Fairview, Quezon City.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang apat na armadong lalaki at isang babae na nagpakilala sa pangalang Amy Santos ng Saturnina Compound, Sauyo Novaliches na sinasabing kumana sa naturang sanglaan.
Ayon sa ulat, nadiskubre ang nakawan sa pawnshop dakong alas-7:55 ng umaga na matatagpuan sa 27-A Mabini St., Brgy. Sta. Lucia ng nabanggit na lungsod.
Sinasabing nagulat na lamang si Roman Lozano appraisal ng sanglaan nang makita niyang butas na ang pader at sira na ang vault ng establishimento nang pumasok siya rito.
Nabatid pang noong Marso 2 ng taong kasalukuyan nang umupa ang mga suspek sa katabing lugar ng pawnshop at nagpanggap na magtatayo sila ng karinderya roon.
Narekober pa ng mga pulis sa loob ng pawnshop ang isang Oxygen tank, mga screw driver at crow bar na ginamit ng mga suspek sa paglimas sa ibat ibang uri ng alahas at pera na nasa P2 milyon halaga.
Ang kasong ito ay patuloy na binubusisi ng pulisya at inaalam din kung may kakutsabang tauhan ng pawnshop ang mga suspek na nagnakaw sa naturang establisimento. (Angie dela Cruz)