MANILA, Philippines - Nasa hot water ngayon ang ilang kawani ng Bureau of Customs (BOC) na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang ireklamo ng isang multi-million drug firm bunsod nang pagkawala ng kanilang drug shipment na nagkakahalaga ng P8.4 milyon.
Isang masusing imbestigasyon na ang isinasagawa ng Customs Internal Investigation and Prosecution Division laban sa mga BOC officers na hindi muna pinangalanan dahil sa pagkasangkot sa pagkawala ng shipment. Sila ay nakatakdang sampahan ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman.
Naghain ng reklamo ang Zuellig Pharma Corp. makaraang mawala ang kanilang drug shipment na dumating sa BOC-NAIA kamakailan mula sa Estados Unidos na nagkakahalaga ng P8.4 milyon nang biglang mawala ang shipment habang nilalakad nila ang pagpapalabas nito noong Marso 2, 2009.
Dahil sa nasabing pagkawala ng mga kargamento, sumulat ang Zuellig Pharma Corp. sa pamamagitan ng abogadong si Jon Michael Alamis kay Customs Commissioner Napoleon Morales para mahanap ang shipment.
Matapos naman ang pagsisiyasat, napag-alamang nailabas sa BOC ng kinatawan ng Majestic Freight Forwarders ang nasabing mga gamot sa pamamagitan ng paggamit umano ng mga pekeng dokumento.
Base sa sulat ni Alamis kay Morales, ayaw na umanong ibigay ng Majestic Freight Forwarders ang kanilang shipment hangga’t hindi umano nababayaran o mapapalitan ng kanilang drug company (Zuellig) ang P1.478 milyon na duties at taxes na ibinayad naman ng Majestic sa Customs upang mailabas ang naturang shipment.
Dahil sa walang pahintulot na pagpapalabas ng kanilang shipment sa pakikipagsabwatan ng mga tiwaling BOC officers sa NAIA, minabuti ng drug company na humingi na ng tulong kay Morales para marekober ang mga gamot at ireklamo ang mga sangkot dito.
Maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ay nakatakdang magsagawa na rin umano ng sarili nilang imbestigasyon hinggil sa nasabing kaso.