MANILA, Philippines - Nakatakdang ireklamo ng National Press Club (NPC) ang pamunuan ng Quezon City Police District-Station 6 (Batasan) sa PNP-Internal Affairs Service (IAS) dahil sa umano’y pagiging inutil na masugpo ang naganap na bugbugan sa loob ng kanilang istasyon at pagpapakulong sa isang reporter at cameraman nitong Linggo ng madaling araw.
Sinabi ni NPC President Benny Antiporda sa panayam ng PSN na kanilang irereklamo ng posibleng “neglect of duty” ang mga naka-duty na pulis sa Batasan police station nang maganap ang insidente sang kot sina ABS-CBN/DZMM reporter Dexter Ganibe, cameraman Benny Ganelo at grupo ng magkapatid na Mary Jane Maulion, alyas Jacqueline; Luche Grace Maulion at Eddie Masurong.
Kabilang dito si Chief Insp. Alex Alberto na siyang nakatalagang “officer” nang maganap ang insidente at si Supt. Antonio Yarra, hepe ng Batasan police station. Iginigiit ni Yarra na walang pagkukulang na ginawa ang kanyang mga tauhan dahil sa naawat naman umano ang salpukan ng dalawang panig at nagsampa rin ng kaso sina Maulion laban sa tv crew kaya nila ikinulong ang mga ito.
Bukod dito, nagpadala na ng liham ang NPC kay Cebu Rep. Raul del Mar kung saan pinaaksyunan nito sa mambabatas ang ginawang pagsalakay sa television crew at paggamit sa kanyang pangalan sa loob ng istasyon ng pulisya upang takutin ang mga pulis.
Sinabi naman ni QCPD Director Chief Supt. Magtanggol Gatdula na pinaiimbestigahan na niya ang posibleng kakulangan ng kanyang mga tauhan. (Danilo Garcia)