Empleyado kinatay ng magkakamag-anak
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sinapit ng isang empleyado matapos na parang baboy itong pagtulungang katayin ng anak at mga kamag-anak ng isang retiradong opisyal ng Philippine Marine, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Warak ang katawan dahil sa tadtad ng tama ng saksak at luwa ang mga bituka ng iwan ng mga suspect ang biktimang si Gerald Deles, 25, binata at residente ng Sitio-3, Block-1, Western Bicutan, Taguig City sa madamong bahagi ng Villamor Airbase Golf Course, South Expressway, Pasay City.
Ang mga suspect naman na kinabibilangan ng isang alyas “Bunso” kilalang anak ni retired Marines officer Miguel Quesad, ng Block 6 Sitio 3, Western Bicutan, Taguig City at dalawang kaanak nito, kabilang ang isang babae ay tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa creekside ng Villamor Airbase Golf Course, Pasay City.
Nabatid pa sa imbestigasyon na dakong alas-12:30 kahapon ng tanghali, unang nagkaroon ng alitan ang biktima at kapatid ni “Bunso” na si Kenneth na sinasabing pumatay naman sa kapatid ng biktima na si Mark.
Unang kinompronta umano ng biktima si Kenneth kung saan nagsumbong naman ang huli sa kanyang mga kamag-anak at dito pinagbantaan umano ng mga ito na isusunod sa hukay ang biktima.
Dakong alas-2 naman ng madaling-araw, habang pinaglalamayan ang kapatid na si Mark, nagtagpo ang biktima at mga suspect at dito na nagkaroon ng kaguluhan.
Upang makaiwas naman sa bantang pagpatay, ang biktima ay nagtatakbo kung saan inabutan ito ng mga suspect sa lugar na pinangyarihan ng krimen saka pinagtulungan na itong pagsasaksakin ng mga huli hanggang sa magka-gutay-gutay ang katawan nito at malagutan ng hininga noon din. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending