MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang isa pang lalaki ang nasugatan makaraang madamay at tamaan ng ligaw na bala sa naganap na riot ng magkalabang street gang kahapon ng madaling- araw sa Payatas, Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Nelson Espino, 26, ng Phase 1 Lupang Pangako, Payatas habang sugatan naman si Jojo Turbana, 48, residente rin ng naturang lugar.
Pinaghahanap naman ngayon ng mga awtoridad ang itinuturong nakabaril sa mga biktima na sina alyas Nonoy Puklat at isang Allan. Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 6, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling araw sa tapat ng isang karinderya sa naturang lugar.
Nabatid na bigla na lamang nagkagulo nang magkasalpukan ang dalawang kilabot na grupo ng mga kabataan. Dito umano hinahabol habang pinapaputukan ng sumpak ng dalawang suspek ang mga tumatakas na kalaban at hindi alintana ang mga sibilyang nasa lugar.
Dito tinamaan ng ligaw na bala sina Espino at Turbana habang mabilis namang tumakas ang mga suspek makaraan ang insidente. Nabatid naman na mistulang inutil ang mga opisyales ng barangay at pulisya sa naturang lugar dahil sa pagkabigo na mamonitor o maawat ang nagaganap na riot ng mga kabataan kung saan nadadamay ang mga inosenteng residente. (Danilo Garcia)