Holdaper kritikal sa taga ng bibiktimahin
MANILA, Philippines - Isang umano’y kilabot ng holdaper ang nasa kritikal na kalagayan matapos itong tagain ng bibiktimahin nito nang magawang maagaw ng huli ang jungle bolo ng una, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Ang suspect na si Jimmy Rivera, 27, residente ng Brgy. Longos ng nasabing lungsod ay kasalukuyang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng mga tinamong taga sa likurang bahagi ng kanyang katawan.
Ginagamot naman sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) ang biktimang si Don Manie, 22 ng Brgy. Longos na naputulan ng isang daliri sa kanang kamay.
Base sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa mga panulukan ng Lapu-Lapu Road at Block 11, Brgy. Longos.
Ayon sa ulat ng pulisya, kasalukuyang nakatayo ang biktimang si Manie at isa nitong kaibigan sa naturang lugar nang lumapit ang suspect na si Rivera na armado ng jungle bolo. Agad na nagdeklara ng holdap si Rivera, ngunit dahil alerto si Manie sa balak nito ay nagawa nitong mahawakan ang jungle bolo hanggang sa mag-agawan ang dalawa sa armas.
Makalipas ang ilang minuto ay naputulan ng daliri si Manie ngunit nagawa naman nitong maagaw ang jungle bolo hanggang sa maitaga nito sa likod ni Rivera. Ilang sandali pa ay magkahiwalay na isinugod sa pagamutan ang dalawa ng mga barangay tanod na hiningan ng tulong ng kaibigan ni Manie. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending