Bagong Quezon City jail, ihihirit
MANILA, Philippines - Dulot ng mala-sardinas nang pagsisiksikan ng mga preso sa Quezon City Jail, iginiit ng konseho ang pagtatayo ng bagong QC jail. Ang QC jail ay nasa likurang bahagi ng QC Police District Station 10 sa Kamuning.
Sa kanyang resolusyon, iginiit ni QC Councilor Jorge Banal kay House Speaker Prospero Nograles at Congressman Junie Cua, chairman ng committee on appropriations na maglaan ng pondo para sa pagtatayo ng bagong kulungan na kukunin ang budget mula sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Interior and Local Government (DILG)
Ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa ilalim ng DILG ang siyang may pangunahing operational jurisdiction sa lahat ng city at municipal jails sa bansa sa ilalim ng Republic Act 6975. Sa ngayon may 900 square meters ang QC jail na may 2,787 inmates na may minimum capacity lamang na 900 inmates.
Bunsod anya ng sobrang dami ng preso sa QC jail, nagkakaroon ang mga ito ng iba’t ibang uri ng sakit bukod pa sa psychological distress ng mga ito na kung minsan ay nagreresulta ng riot sa pagitan ng mga preso. Noong taong 2006, isang resolosyon na ang ginawa ng QC Council na humihiling sa Kongreso na paglaanan ng budget ang pagpapatayo sa bagong piitan ng QC jail pero hindi naaksiyunan at ngayon isa na namang resolusyon ang ginawa sa konseho para sa kontruksiyon ng naturang kulungan. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending