MANILA, Philippines - Dobleng kamalasan ang inabot ng isang television reporter at cameraman na matapos pagtulungang bugbugin ay ipinakulong pa ito ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) habang ginagampanan ang kanilang trabaho bilang mamamahayag sa loob ng istasyon ng pulisya.
Ikinulong dahil sa kasong “unjust vexation” sa detention cell ng Batasan Police Station 6 sina ABS-CBN/DZMM reporter Dexter Ganibe at cameraman Benedicto Ganilo na naagrabyado na ay ikinulong pa sa QCPD-Station 6.
Idinetine rin naman dahil sa kasong slight physical injuries ang mga suspek na sina Jacqueline at Luchi Grace Maulayon at si Eddie Masurong na pawang mga sumalakay umano sa dalawang mediamen.
Sa inisyal na ulat, nabatid na naganap ang insidente kamakalawa ng hapon sa loob ng investigation section ng Batasan Police Station 6.
Sinabi ni Ganibe na napansin niyang nagrereklamo ang magkapatid na Maulayon ukol sa isang insidente sa parking area sa kanilang subdibisyon at bilang mamamahayag ay nag-usyoso ito upang mabatid kung maaari itong gawing isang istorya.
Dito napagbalingan ng galit ni Jacqueline Maulayon si Ganibe na sinabi nitong padala umano ng kanyang kalaban. Nagulat na lamang si Ganibe nang salakayin umano siya ng magkapatid, pilit na inaagaw ang kanyang cellphone habang pinagsusuntok, sinaksak ng ballpen at pinagsisipa ito. Tumulong rin umano si Masurong na nanuntok rin sa kanya.
Inireklamo rin ni Ganibe ang desk officer ng istasyon na isa umanong SPO2 Valeroso na sa halip na umawat ay nagpatakot sa magkapatid na Maulayon na nagbanta sa pulis na ipasisibak ito sa serbisyo dahil sa kanila umanong impluwensya sa Office of the Ombudsman at maging kay Pangulong Arroyo.
Nabatid pa na staff ng isang hindi pinangalanang congressman si Luchi Grace.
Matapos mapayapa ang sitwasyon, dumating naman sa naturang istasyon si Ganilo na sinalakay rin umano ng magkapatid na Maulayon. Dito umano sinira ang camera at tinangay ang tape nito ng mga suspek.
Ipinagtanggol naman ni Supt. Antonio Yarra, hepe ng Station 6 ang kanyang mga tauhan na umano’y ginawa naman ang lahat para mapayapa ang magkabilang grupo.
Sinabi nito na kinailangan talagang ipakulong sina Ganibe at Ganilo dahil sa sinampahan ang mga ito ng kaso habang ikinulong rin ang magkapatid na Maulayon at si Masurong. (Danilo Garcia)