Rolito Go 'laya na'
MANILA, Philippines - Laya na sa maximum security complex ng National Bilibid Prison (NBP) Muntinlupa City ang convicted murderer na si Rolito Go matapos irekomenda ng Bureau of Correction (BuCor). Ayon kay Bureau of Correction (BuCor) Executive Director Bartolome Bustamante, ginawang “live-out inmate” si Go base na rin sa rekomendasyon ni BuCor chief Oscar Calderon ng classification board.
Nabatid na hindi lamang si Go ang nabigyan ng naturang pagkakataon kundi pati na rin ang ilan pang preso na inilipat naman mula sa maximum security para sa medium and minimum security complex ng NBP. Mariin namang nilinaw ni Calderon na si Go ay hindi pa tuluyang lumaya kundi isa lamang “live-out inmate” sa kasalukuyan na may minimum security classification. Kabilang naman sa mga inmates na nauna ng inilipat sa medium security complex ay ang kontrobersyal at convicted child rapist na si dating Zamboanga del Norte Congressman Romeo Jalosjos.
Napag-alaman na iginagawad ng NBP ang “live-out status” sa mga preso na halos nakabuo na ng kanilang sentensiya at may prebilihiyong makapaglakad sa loob ng bilangguan na wala ng security escorts, ngunit kailangan mag-report pa rin ng mga ito sa minimum security complex ng Camp Bukang Liwayway kada-alas-5 ng hapon, araw-araw.
Napag-alaman na si Go ay nasa edad 60 na at nabuno na nito ang kalahati ng kanyang sentensiya at naging maganda rin ayon pa kay Calderon ang rekord nito habang nasa loob ng NBP.
Si Go ay una ng nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo matapos na barilin ang estudyanteng si Elton Maguan dahil lamang sa away-trapiko na namagitan sa kaniya at ng biktima noong taong 1991. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending