Vigilante umatake muli sa Pasig City

MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang tinaguriang isang vigilante group sa lungsod ng Pasig matapos na dalawa na namang bangkay ng hindi nakikilalang lalake ang natag­puang tadtad ng bala sa katawan sa isang barangay dito, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

“Wag tularan, Holdaper, carnaper, Akyat bahay, snat­cher” ang mga katagang nakasulat sa isang maliit na pla­kard na natagpuan sa mga bangkay ng mga biktima na hindi pa makilala.

Ayon sa ulat ni PO2 Gino Dancel, may-hawak ng kaso, ang bangkay ng mga biktima ay iniwan na lamang ng mga salarin sa may Caimito St., Villa Cuana 1, Phase 11, Nag­payong, Pinag­bu­hatan sa lungsod dakong alas-2:00 ng madaling-araw.

Sinasabing ang isang bangkay ay nakahandusay sa loob ng isang nakaparadang pampasaherong jeepney na may plakang PYU-663 habang ang isa pang bangkay ay nakabulagta naman sa gawing hagdan nito.

Lumilitaw na bago nangyari ang insidente, sunod-sunod umanong putok ng baril ang narinig ng ilang residente sa lugar kung saan nang matapos ang putok ay saka natag­puan ang bangkay ng mga biktima.

Ito ang pampitong insidente ng pamamaril ng nasabing grupo sa nasabing lugar na hanggang ngayon ay patuloy na nireresolba ng pamunuan ng Pasig City Police.

Ang mga bangkay ng biktima ay nakalagak ngayon sa isang puneraria sa Brgy. Pinagbuhatan sa lungsod habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga ito. (Ricky Tulipat)

Show comments