Dasal hingi ng pamilya ng inambus na DPWH official

MANILA, Philippines - Humingi ng dasal ang pamilya ng inambus na si Department of Public Works and Highways Undersec­retary Ramon Aquino sa publiko dahil sa kasalukuyan ay 50-50 ang tsansa nitong mabuhay bunga ng napin­salang atay.

Ito ang nabatid mula sa isang text message na ipi­nadala sa mga mamama­hayag ng pamilya Aquino kamakalawa ng gabi.

“Ipagdasal natin siya. Nasa dialysis siya ngayon. Ooperahan siya sa atay pero hindi nakakatiyak ang mga duktor kung mabu­buhay siya,” sabi sa men­sahe.

Lubhang napinsala ang atay ni Aquino na nasapul ng bala nang barilin sa tagiliran at kanang dibdib sa naga­nap na pananambang no­ong Miyerkules ng hapon sa Bonifacio Drive, Port Area, Maynila malapit lamang sa tanggapan ng DPWH.

Nadamay sa ambus ang nasugatang sina Tony Cane­letam at Victor Salonga, body­guard at driver ni Aquino ayon sa pagkaka­sunod.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang ba­gong kaganapan sa kala­gayan ni Aquino.

Papunta sana si Aquino sa Malacañang nang tamba­ngan ng mga hindi kilalang salarin. (Ludy Bermudo)

Show comments