MANILA, Philippines - Isang malaking palaisipan ngayon sa pulisya ang pagkamatay ng isang ama kung sadya ngang nahulog ito o inihulog mula sa ika-14 na palapag ng isang gusali sa Parañaque City kahapon ng tanghali.
Nagkalasug-lasog at na basag ang bungo ng biktima na kinilalang si Charlie Jaucian, 42 anyos, residente ng 18-Goldenlane Subdivision, Anabu, Imus, Cavite.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Johnny Margate, may hawak ng kaso, dakong alas-12:45 ng tanghali nang mangyari ang insidente sa Bayview Tower II Condominium, Brgy. Tambo, Roxas Boulevard, Parañaque City.
Ang biktima ay unang pumunta sa naturang gusali upang dalawin sa inuupahang condominium ang kanyang kaanak na isang Dr. Jaucian sa 1403-A ng Bayview Tower. Ilang oras ang nakalipas, mula sa naturang palapag, ang biktima ay biglang bumagsak sa harapan mismo ng guwardiya ng naturang gusali na si Pablo Toria dahilan upang magkalasog-lasog ang katawan ng una at agaran itong masawi.
Kaugnay nito, inaalam pa ng mga imbestigador kung nagkaroon ng “foul play” sa pagkakahulog ng biktima mula sa nasabing palapag ng gusali. (Rose Tamayo-Tesoro)