MANILA, Philippines - Isang overseas Filipino worker ang pinagtulungang saksakin hanggang mapatay ng dalawang dati niyang kasamahan sa trabaho sa Sta. Ana, Manila kahapon ng madaling-araw.
Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Bernie Feleo, 40-anyos, may asawa, ng 240 Interior 4, Agustin San Francisco St., Sta. Ana.
Inilarawan naman ang pinaniniwalaang mga suspek na ang isa ay nasa pagitan ng 38-40 anyos, may taas na 5’6-5’7, semi-kalbo ang gupit ng buhok, nakasuot ng sando at dark blue na shorts habang ang kasama nito ay may edad sa pagitan ng 29-32 anyos, 5”6 hanggang 5’7 ang taas at may katabaan.
Nabatid na ang mga suspek ay OFW rin at nakasama ni Feleo sa kanyang trabaho sa Taiwan.
Bago ang insidente, dakong 7:30 ay lumabas sa kanyang bahay ang biktima at nagtungo sa isang convenience store upang bumili ng alak at nang pagbalik ay kasama na ang dalawang suspek.
Kumain umano ang mga bisita bago nag-inuman, ayon naman sa isang Lucila Lopez, 47, pinsan ni Feleo.
Dakong alas-12:15 ng madaling araw nang magising umano si Lopez sa sunod-sunod na katok ng biktima sa pinto ng kanyang kuwarto at humihingi ng saklolo. Nang buksan niya ang pinto ay nakitang duguan sa saksak ang biktima at wala na ang mga bisita nito.
Hindi na rin natagpuan ang itim na beltbag ng biktima at dalawang cellphone.